MANILA, Philippines – Nanawagan si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela sa mga Pilipino na patuloy na manindigan para sa karapatan ng bansa.
Ginawa ni Tarriela ang pahayag kasabay ng paggunita ng Pilipinas sa National Heroes’ Day nitong Lunes, Agosto 31, 2026. Iniugnay niya ang sakripisyo ng mga pambansang bayani sa responsibilidad ng kasalukuyang henerasyon na ipagtanggol ang interes ng bansa.
Tarriela: Huwag Magpadala sa “Chinongaling”
Sa kaniyang Facebook post, hinimok ni Tarriela ang mga Pilipino na ipaglaban kung ano ang nararapat para sa bansa.
“Sa paggunita sa sakripisyo at kabayanihan ng ating mga bayani, tindigan natin ang kung ano ang sa atin at ’wag tayong magpadala sa mga chinongaling!”
Ang pahayag ay tumutukoy sa patuloy na usapin tungkol sa West Philippine Sea (WPS). Matagal nang aktibong nagsasalita si Tarriela tungkol sa maritime rights ng Pilipinas at sa mga impormasyong may kaugnayan sa sigalot sa rehiyon.
“Shed Our Defeatist Mindset”
Bukod dito, nanawagan din si Tarriela sa mga Pilipino na alisin ang tinatawag niyang “defeatist mindset.”
Ayon sa kaniya, hindi kumakatawan ang pagsuko o kawalan ng paninindigan sa mga prinsipyong ipinaglaban ng mga bayaning Pilipino. Kaya naman hinihikayat niya ang publiko na manatiling matatag sa pagtatanggol sa sovereign rights ng bansa.
Para kay Tarriela, mahalagang maunawaan ng bawat Pilipino ang legal na batayan ng posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Fake News at Misinformation, Isa Ring Hamon
Hindi lamang presensya ng China sa pinag-aagawang karagatan ang binibigyang-pansin ng PCG official. Itinuturing din niyang malaking hamon ang fake news at misinformation tungkol sa West Philippine Sea.
Noong Hulyo, sinabi ni Tarriela na maaaring malito ang publiko kapag kumalat ang maling impormasyon tungkol sa maritime rights ng Pilipinas. Hinikayat niya ang mga Pilipino na gamitin nang responsable ang social media at tumulong sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon.
2016 Arbitral Award, Patuloy na Ipinapaalala
Patuloy ding isinusulong ng PCG ang pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa 2016 South China Sea Arbitral Award.
Noong Hulyo, sinabi ni Tarriela na mahalagang manatiling may sapat na impormasyon ang publiko tungkol sa naturang desisyon. Para sa kaniya, dapat itong talakayin sa mga paaralan, komunidad at pambansang diskurso upang maunawaan ng susunod na henerasyon ang maritime rights ng Pilipinas.
Sa paggunita ng National Heroes’ Day, muling iniugnay ni Tarriela ang pagtatanggol sa West Philippine Sea sa pagmamahal sa bayan. Para sa PCG official, may papel ang bawat Pilipino sa pagprotekta sa karapatan at pambansang interes ng Pilipinas.